Ni: Jo-Marie Bala
MAY bagong pelikula ngayon ang independent filmmaker na si Khavn na may pamagat na Bamboo Dogs. Ayun sa official Facebook page ng nasabing pelikula, ang Bamboo Dogs ay hango sa Kuratong Baleleng Rubout Massacre dalawang dekada na ang nakakalipas.
Ni-release ni Khavn sa kanyang Facebook page ang teaser video ng Bamboo Dogs. Sa video, makikita na pumasok sa isang bahay si Korpo (Rez Cortez), at bigla na lang sumayaw sa buong bahay. Ang kantang ginamit sa video teaser ay ang kantang Susan na mismo si Khavn ang nag-compose, at si Jazz Nicolas ng Itchyworms ang kumanta.
Meron isang nag-comment na parang music video ng Weapon of Choice ng Fatboy Slim kung saan sumasayaw si Christopher Walken sa buong hotel.
Kasama rin sa pelikula sina Sue Prado bilang Pulis Corazon, William Buenavente bilang Meleubren, Ron Capinding bilang Alapaap, Jess Mendoza bilang Welbor, Dido de la Paz bilang Pulis Esquivel, at marami pang iba.
Si Khavn ay isang kilalang singer, composer, poet, at direktor. Isa sa mga kilalang pelikula niya ay Mondomanila, EDSA XXX, Ruined Heart, at ang kontrobersyal na children film na Balangiga: Howling Wilderness.
Para sa dagdag na impormasyon, bisitahin ang official Facebook page ng Bamboo Dog.